Pinatitiyak ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga employers na makatatanggap ng nararapat na separation pay ang mga manggagawang matatanggal sa trabaho bilang epekto ng COVID-19 pandemic sa ekonomiya.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, may mga kumpanyang hindi na aniya maiwasan at kinakailangan nang magterminate o magbawas ng empleyado bunsod ng epekto sa ekonomiya ng COVID-19.
Dahil dito, kanyang pinakiki-usapan ang mga employers na huwag kalimutan ang karapatan ng mga empleyado na makatanggap ng separation pay na katumbas ng isang buwang suweldo sa kada taon ng serbisyo.
Sinabi ni Bello, umaabot sa 2.7-milyon katao sa Pilipinas ang pansamantalang tumigil sa pagtatrabaho o nasailalim sa flexible working arrangements dahil sa nararanasang krisis sa COVID-19.
Habang nasa 70,000 manggagawa naman ang nawalan na ng trabaho matapos na tuluyang magsara ang nasa 200 mga establisyimento dahil pa rin sa pandemiya.
Dagdag ni Bello, ilang mga kumpanya aniya ang maagang ipinagbigay alam sa DOLE bago tinerminate o nag-retrench ng mga empleyado tulad ng mga malalaking airline companies at hotel sa bansa.