Isinailalim na ng Bureau of Immigration sa heightened alert ang mga tauhan nito sa lahat ng paliparan at daungan sa bansa dahil sa inaasahang pagdagsa ng mga magbabakasyon sa mga lalawigan ngayong Semana Santa.
Ipinag utos na ni Immigration Commissioner Jaime Morente ang deployment ng mahigit 50 immigration officers sa NAIA bilang dagdag na tauhan sa mga immigration counters sa arrival at departure areas.
Pinatitiyak din ng Immigration sa kanilang POD o Port Operations Division ang mas mahigpit na screening sa lahat ng paparating at papaalis na pasahero.
Sinabi ni POD Chief Grifton Medina na nagpalabas na sila ng memorandum sa kanilang mga tauhan partikular ang immigration airport personnel, terminal heads at duty supervisors para huwag mag absent o mag leave hanggang April 22.
Tiniyak ng Immigration na gagawin nito ang lahat para mapigilan ang anumang tangkang pagpuslit sa bansa ng mga sindikatong maaaring magsamantala ngayong holiday season.