Sinibak ni Philippine National Police (PNP) Maritime Group Director Chief Supt. Rodelio Jocson ang lahat ng mga tauhan ng 402nd Maritime Police Station sa lalawigan ng Cavite.
Ito’y makaraang maaresto ng pinagsanib na puwersa ng Counter Intelligence Task Group at ng PNP Intelligence Group ang hepe nito dahil sa pangongotong sa samahan ng mga mangingisda sa bayan ng Tanza.
Kinilala ni CITF Director Senior Supt. Romeo Caramat Jr. ang tiwaling pulis na si Supt. Armandy Dimabuyo na siya ring tumatayong hepe ng nabanggit na unit.
Batay sa reklamo laban kay Dimabuyo, nanghihingi umano ito ng labing siyam (P19,000) hanggang dalawampung libong piso (P20,000) kada buwan sa samahan ng mga mangingisda para umano sa kanilang proteksyon.
Dahilan para magkasa ng entrapment operations ang CITF kaninang alas-7:00 ng umaga kung saan, nakuhanan pa ng video ang aktuwal na pagtanggap ni Dimabuyo sa P18,000 marked money na nagresulta sa pagkakaaresto nito.
Galit na galit at nanlulumo sa pagkadismaya si Caramat nang makumpirma ang ginagawang kabulastugan ng kaniyang kabaro sa mga pobreng mangingisda.
Kaya naman agad na nila itong ipinarating kay PNP Chief Director General Oscar Albayalde at ipinag-utos nito ang agarang pagsasampa ng kasong kriminal at administratibo laban sa mga sangkot na pulis.
Bukod pa iyan sa kahaharaping kasong robbery extortion at grave misconduct laban kay Dimabuyo na siyang nanguna sa pangingikil sa naturang grupo.
—-