Pinalakas pa ng PNP-Anti Illegal Drugs Group ang kampanya laban sa mga tauhan ng pamahalaan na sangkot sa illegal drugs.
Ayon kay Chief Inspector Roque Merdegia, Spokesman ng PNP AIDG, target ng pinalakas nilang kampanya ang mga tauhan ng gobyerno na sangkot o nasa likod kung bakit nakakapasok sa bansa ang illegal drugs.
May inilunsad na rin aniya silang kahalintulad na kampanya sa mga lalawigan.
Una rito, nadakip ng pinagsanib na puwersa ng PNP AIDG at Philippine Drug Enforcement Agency si Col. Ferdinand Marcelino, miyembro ng Philippine Marines na dating tauhan ng PDEA sa isang drug raid sa Sta. Cruz Maynila.
“Pinalakas din nito ang aming supplier reduction campaign kasama na din ang demand reduction strategy upang masawata itong malalaki, high-valued targets mga pasimuno talaga ng smuggling at ng manufacturing dito sa bansa, sa istasyon naman sa baba nitong mga pulis sa provincial levels ay patuloy din ang kampanya sa paghahabol sa mga street pushers.” Pahayag ni Merdegia.
Case vs Marcelino
Sasampahan ng kaso sa Department of Justice (DOJ) ang marine colonel na nadakip sa drug raid na isinagawa sa Sta. Cruz Manila kung saan mahigit P300 milyong pisong halaga ng shabu ang nakumpiska.
Ito ay matapos mabigo ang suspect na si Col. Ferdinand Marcelino na makapagpakita ng mga dokumento na magpapatunay na mayroon siyang surveillance at intelligence mission sa lugar.
Ayon kay Chief Inspector Roque Merdegia, Spokesman ng PNP Anti Illegal Drugs Group, nadakip nila si Marcelino sa loob ng shabu laboratory sa isang townhouse sa Sta. Cruz Manila kasama ang iba pang Chinese nationals na pakay ng kanilang search warrant sa lugar.
Hindi inaalis ni Merdegia ang posibilidad na mayroon pa ring mga impormasyon sa illegal drugs si Marcelino dahil dati itong miyembro ng PDEA o Philippine Drug Enforcement Agency subalit dapat ay gumawa ito ng koordinasyon sa mga PDEA o PNP AIDG.
“Si Yan Yu Shou ay hindi siya ang may-ari ng bahay, natagpuan lang namin sila kasama si Col. Marcelino sa loob ng laboratoryo noong aming sinalakay ang bahay, hindi po siya authorized na magsagawa ng ganoong klaseng operasyon, lumalabas na solong lakad niya ang sinasabing operation, ang mga kasapi ng ibang tanggapan lalo na ang armed forces ay kailangang may malinaw na mission order kung sila ay magsasagawa ng kaukulang operation sa illegal drugs.” Dagdag ni Merdegia.
AFP
Dumistansya naman ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa kaso ni Col. Ferdinand Marcelino, miyembro ng Philippine Marines at dating operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na nahuli sa drug bust operations sa Maynila.
Ayon kay Col. Noel Detoyato, Public Affairs Office Chief ng AFP, hindi makikialam ang AFP sa kaso ni Marcelino at ipinauubaya nila ito sa Philippine National Police.
Tiniyak rin ni Detoyato na hindi nila kukunsintihin kung sakaling may pagkakamali man si Marcelino.
By Len Aguirre | Ratsada Balita
*Photo Credit: mb.com.ph