Tinatayang nasa 56 na miyembro ng High Patrol Group (PNP-HPG)ang nakatakdang sumalang sa pagsasanay sa tama at angkop na pagpapatupad ng mga batas trapiko partikular na sa Metro Manila.
Ayon kay HPG Director Chief Superintendent Arnel Escobal, napapanahon na upang magbigay sila ng augmentation sa Metro Manila Development Authority (MMDA) dahil batid nilang nahihirapan na ito sa pagpapatupad ng batas trapiko.
Magiging katuwang aniya nila sa pagsasanay sa mga traffic police ang National Center for Transportation Studies Foundation ng University of the Philippines para magbigay ng bagong kaalaman sa pagmamando ng trapiko lalo na sa National Capital Region.
Magsisimula ngayong araw ang naturang pagsasanay na isasagawa tuwing Huwebes at Biyernes mula alas 8:00 ng umaga hanggang ala 5:00 ng hapon na tatagal naman hanggang Mayo 17.