Nakararanas umano ng pangha-harass mula sa Chinese Coast Guard ang puwersang militar ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Ito’y ayon kay Magdalo Partylist Rep. Gary Alejano sa isinagawang pagdinig ng Kamara kahapon kaugnay sa usapin ng territorial dispute sa pagitan ng Pilipinas at China sa bahaging iyon ng karagatan.
Ayon kay Alejano, naghain na umano ng reklamo ang Armed Forces of the Philippines sa Department of Foreign Affairs hinggil sa insidente na nangyari nuong Mayo 11 sa bahagi ng Ayungin Shoal na sakop ng Exclusive Economic Zone ng Pilipinas.
Malapitan umanong tinaboy ng chopper ng People’s Liberation Army Navy ng China ang rubber boat ng Philippine Navy nang magrasyon ito ng suplay sa BRP Sierra Madre, ang barkong pandigma ng Pilipinas na isinadsad sa naturang bahura.
Bagama’t batid na ni Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano ang naturang insidente, wala naman itong maibigay na kongkretong kasagutan hinggil sa kung ano ang magiging hakbang ng Pilipinas sa isyu.
Dahil dito, binanatan ni Alejano ang administrasyon na aniya’y harap-harapang nagbubulag-bulagan sa naging hakbang na ito ng China laban sa Pilipinas na malinaw aniyang isang banta sa seguridad at soberanya ng bansa.