Papalitan ng World Health Organization (WHO) ang tawag sa coronavirus variant para hindi mabahiran ang pangalan ng mga bansang pinagmulan nito.
Sa bagong sistema, ipinabatid ni WHO COVID-19 technical head Maria Van Kerkhove na “Alpha” ang magiging tawag na sa British variant na B.1.1.7 habang ang B.1.351 na nagmula naman sa South Africa ay magiging “beta” at “gamma” naman ang itatawag na sa Brazilian P.1.
Ang indian variant namang B.1.617.2 ay tatawaging “delta” habang ang isa pang variant nitong B.1.617.1 ay tatawaging “kappa”.
Binigyang diin ng WHO na binago nila ang tawag sa mga coronavirus variants para madaling bigkasin o sabihin at maalis ang diskriminasyon sa mga bansang pinagmulan ng mga variant na ito.