Mariing ipinag-utos ng National Telecommunications Commission (NTC) sa mga public telecommunications entities na ipagpatuloy ang pagpapadala ng text blasts sa subscribers nito laban sa text scams.
Nakasaad ang kautusan sa memorandum order na inilabas ng NTC sa DITO Telecommunity, Globe Telecoms, at Smart Communications.
Sa memorandum, inaatasan ang tatlong kompanya na ituloy ang pagpapadala ng text blasts sa kanilang subscribers mula Oct. 5 hanggang Oct. 11, 2022.
Kasabay nito, inatasan din ang tatlong telcos na ituloy ang proseso ng pag-block sa SIM cards na ginagamit para makapanloko ng subscribers.
Samantala, sa hiwalay namang memorandum, ipinag-utos din ng NTC sa lahat ng Regional Directors at officers-in-charge ng ahensya na magsagawa ng public information campaign upang mabigyang babala ang publiko laban sa text scams.
Kung matatandaan, noong nakaraang buwan ay pormal na inilunsad ng ahensya ang “NTC Kontra Text Scam” campaign nito.
Sa kampanya ng NTC, hinihikayat ang publiko na i-report ang mga natatanggap nilang text scams sa pamamagitan ng pagpapadala ng mensahe sa kontratextscam@ntc.gov.ph o sa website ng ahensya.