Lalo pa umanong dumarami ang mga international telecommunications company na nagpapahayag ng interes na mamuhunan sa Pilipinas bilang third party telco player sa bansa.
Ito’y ayon sa Malakanyang kasunod ng naging ulat ng Department of Information and Communications Technology (DICT) kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Presidential Communications Secretary Martin Andanar, nakikipag-usap na umano ang kumpaniyang PT&T na isang South Korean company para lumahok sa bidding para sa pagsasaayos ng telecommunications network sa bansa.
Magugunitang kinumpirma ni Andanar ang pagpasok ng China telecom na pinili ng Chinese government para sa pakikilahok nito sa bidding upang ganap nang mabasag ang duopoly ng mga higanteng telco player sa Pilipinas partikular na ng Globe at Smart-PLDT.
Una na ding tiniyak ng Palasyo na hindi malalagay sa alanganin ang security network ng telecommunications sa bansa sa gitna na din ng inaasahang pagpasok ng ikatlong telco player sa 2018.
Ito ay sa harap na din ng pangamba na magkaroon ng access sa network ng mga Pilipino ang dayuhang mamumuhunan na maglalagak ng kanilang negosyo.