Nagsimula nang ibuhos ng Globe at Smart ang kanilang mga pondo para mapaganda ang serbisyo ng internet sa bansa.
Ayon kay Department of Information Communications and Technology Officer in Charge Eliseo Rio, ito ang dahilan kaya’t lumabas sa isang independent survey na unti unti nang bumibilis ang serbisyo ng internet sa Pilipinas.
Sinabi ni Rio na bunga na rin ito ng paparating na kumpetisyon mula sa Mislatel, ang ikatlong telco sa bansa.
Una rito, lumabas sa pag aaral ng Ookla, ang global leader sa internet testing at analysis na dumoble ang internet speed sa Pilipinas mula ikatlong bahagi ng 2016 hanggang first quarter ng 2019.
“2018 and 2019 yung pinaka mataas sa kasaysayan nila. Pinost nila since last year because of this incoming competition so talagang nag improved po yung kanilang internet speed natin because of that.”
Inaasahang mas titindi ang kumpetisyon ng tatlong telco sa sandaling maging fully operational ang Mislatel sa unang bahagi ng 2020.
Gayunman, sinabi ni Rio na inaasahan nilang magkakaroon na ng subscribers ang Mislatel bago matapos ang taong ito.
“For the first time, new telco to come up with commitment. Hindi natin ginawa yon sa Globe and Smart pero malaki ang performance bond na itinaya nitong nanalo na Mislatel to the tune of 25.7 billion na kung hindi nila ma attain yung kanilang kinommit for the next 5 years, eh mawawala ho sa kanila yon.”
(Ratsada Balita interview)