Hinimok ni Senadora Grace Poe ang mga pasahero ng eroplano na i-reufund ang terminal fees na kanilang binayaran kung hindi naman sila nakabiyahe.
Ito’y ayon kay Poe makaraang lumabas sa pagdinig ng Senate Committee on Public Services na aabot sa 250 Milyong Piso ang hindi narerefund na terminal fees ng Cebu Pacific.
Ayon kay Poe, karapatan ng bawat isang pasahero na humingi ng refund sa mga binayaran nilang terminal fees na karaniwang isinasama sa mga online booking ng mga airline ticket.
Samantala, tinawag namang band-aid solution ni Poe ang panukalang ilipat sa Clark Airport ang iba pang mga flights para maresolba ang air traffic sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ayon kay Poe, mas mapapaayos at mapapabilis ang pagsasaayos sa problema ng naia kung ipauubaya na lamang ito sa pribadong sektor.
PAL at CebGo, handang ibalik ang mga terminal fees na kanilang nakolekta mula sa mga kanseladong flights
Handa ang mga airline companies na Cebu Pacific at Philippine Airline na ibalik ang mga terminal fees sa mga pasahero na hindi naman natuloy sa kanilang flights.
Ito’y makaraang mabunyag sa pagdinig ng Committee on Public Services ng Senado na nasa 250 Milyong Piso ang mga terminal fees na nakolekta ng Cebu Pacific mula sa mga kanseladong flights.
Pero aminado si Cebgo President at CEO Alexander Lao na bagama’t handa silang ibalik ang mga nakuha nilang terminal fees, mahihirapan silang hanapin at i-contact ang kanilang mga kliyente.
Sa panig naman ng PAL, sinabi ng Vice President for Operations nitong si Fred Mison, dapat lamang na ibalik nila ang pera ng mga pasahero upang hindi na lumaki pa ang kanilang pananagutan kalaunan.
Jaymark Dagala / Cely Ortega-Bueno / RPE