“Hindi dapat kaawaan ang mga terorista at kriminal”.
Ito ang binigyang-diin ni Vice President Sara Duterte- Carpio matapos ang kanyang pakikipagpulong sa mga opisyal ng Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police, Bureau of fire Protection at Bureau of Jail Management and Penology.
Kabilang sa tinalakay nina V.P. Sara, na itinalagang Officer-In-Charge habang nasa ibang bansa si Pangulong Bongbong Marcos, ang pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa bansa.
Ayon kay Duterte-Carpio, layunin ng pulong na palakasin ang umiiral na ugnayan at paigtingin ang Inter-Agency Cooperation sa issues ng National Security.
Iginiit ng Pangalawang-Pangulo na makababangon lamang ang bansa mula sa COVID-19 pandemic kung matutugunan ang mga banta sa seguridad.
Gayunman, nilinaw ni VP Inday na wala naman silang natatanggap na impormasyon o natalakay na terror threat.
Hindi rin anya napag-usapan sa pulong ang CPP-NPA-NDF, pero tiniyak sa security sector na ang Offices of the President at Vice President ay nasa likod nila sa paglaban sa insurhensya.