Patuloy umano sa pagre – recruit ang mga teroristang grupo sa Mindanao upang mapalakas muli ang kanilang puwersa matapos mabawi ng gobyerno ang Marawi City mula sa Maute – ISIS.
Ayon kay Armed Forces of the Philippines (AFP) Acting Spokesman, Colonel Edgar Arevalo, hindi sila tumitigil sa pagmo – monitor partikular sa mga karatig bayan sa Lanao del Sur.
Mayroon na din aniya silang mga hakbang upang mapigilan ang recruitment ng mga terorista.
Ito’y upang maiwasang maulit ang bakbakan sa Marawi City na tumagal ng limang (5) buwan at isa sa mga dahilan ng pagtagal ng sagupaan ay ang malaking bilang ng mga nahikayat ng Maute – ISIS na umanib sa kanilang group.
Matatandaang inaprubahan na ng Kongreso ang pagpapalawig ng isang taon sa idineklara at umiiral na martial law sa Mindanao.
Binigyang – diin ni Pangulong Duterte sa kanyang liham kina Senate President Koko Pimentel at House Speaker Pantaleon Alvarez na kinakailangang mapalawig ang martial law para sa muling pagbangon ng Marawi City matapos ang mahigit limang buwang bakbakan sa pagitan ng mga sundalo at teroristang Maute.
Idinagdag din ng Punong Ehekutibo ang pangangailangang mapalawig ang batas militar upang masupil ang iba pang mga teroristang kumikilos sa iba pang bahagi ng Mindanao kabilang na ang komunistang CPP – NPA na naghihintay lamang ng pagkakataon upang umatake.
Nakatakdang mapaso sa Disyembre 31 ang unang extension na iginawad ng Kongreso hinggil sa martial law mula nang mapalaya ang Marawi City sa kamay ng mga terorista noong Oktubre.
Matatandaang May 23, 2017 nang ilabas ng Pangulong Duterte ang Proclamation No. 216 na nagde – deklara ng batas militar sa buong Mindanao dahil na rin sa mga isyung pang – seguridad sa rehiyon.