Mananatili pa rin sa pangangalaga ni Senador Risa Hontiveros ang tatlong (3) testigo laban sa kaso ng pagkakapaslang sa 17-anyos na si Kian Loyd delos Santos.
Ito ay sa kabila ng inihaing mosyon ng senadora na ilipat na sa Senado ang kustodiya ng 3 saksi partikular na sa Committee on Public Order and Dangerous Drugs na pinamumunuan ni Senador Panfilo Lacson.
Sinabi naman ni Public Attorney’s Office o PAO Chief Atty. Persida Acosta na nakatanggap sila ng liham mula sa kapatid ng isang menor de edad na testigo na gusto nilang mabisita at makuha na ang kanilang kaanak mula kay Hontiveros.
Ayon pa sa ina ng isa sa mga menor de edad, hindi humingi sa kanya ng permiso ang senadora bago kuhanin ang anak.
Tugon ni Hontiveros, kusang sumama sa kanya ang mga testigo at puwede naman silang dalawin ng kanilang mga kaanak.
Gayunman, ipinahayag ng senadora na nakahanda siya sakaling tanggalin na sa kanyang kustodiya ang tatlong saksi sa pagpatay kay Kian.
By Arianne Palma