Ipinag-utos na ni Police Regional Office 4-A Director PBGen. Vicente Danao sa kaniyang mga tauhan na bisitahin ang lahat ng mga tindahan ng lambanog.
Ito’y kasunod ng insidente ng pagkasawi ng nasa siyam at pagkakaospital ng mahigit sa 100 sa bayan ng Rizal, lalawigan ng Laguna, dahil sa pag-inom ng nasabing nakalalasing na inumin.
Ayon kay Danao, inatasan na niya ang lahat ng mga Police Commander sa kanilang rehiyon na makipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan para bisitahin naman ang mga gumagawa o manufacturers ng lambanog.
Layon nito ani Danao na matiyak ang kaligtasan ng publiko lalo’t sunud-sunod na ang mga kaso ng pagkakalason dahil sa lambanog at nangangamba siyang tumaas pa ito.
Nakikipag-ugnayan na rin aniya sila sa Food and Drugs Administration (FDA) para ipagbawal ang pagbebenta ng mga produktong lambanog hangga’t walang nakukuhang clearance mula sa ahensya.