Personal na ininspeksyon ni PNP Chief Gen. Rodolfo Azurin ang mga tindahan ng paputok sa tinaguriang fireworks capital ng bansa sa Bocaue, Bulacan.
Ito’y pang matiyak ang kaligtasan ng publiko at muling pagyabong ng negosyo ng ligal na paputok.
Kasama ni Azurin na nag-inspeksyon sina Governor Daniel Fernando, Vice Governor Alex Castro, Bocaue Mayor Jon Jon Villanueva, Bulacan Provincial Police Director, Col. Relly Arnedo at ilang opisyal sa fireworks industry, kahapon.
Dumalo rin sina Police Regional Office – 3 Director Brig. Gen. Cesar Pasiwen at ilang mataas na opisyal ng PRO-3.
Ayon kay Azurin, hangad niya sa publiko na walang masaktan sa mga paputok sa pagdiriwang ng kapaskuhan at darating na pagsalubong sa bagong taon.
Hindi rin anya tumitigil ang mga otoridad sa pagpapaalala o tamang impormasyon tungkol sa paputok para sa publiko, inspeksyon, imbentaryo, pagtugis sa mga iligal na pagawaan at tindahan ng mga paputok.
Kabilang sa ipinagbabawal ang malalakas at mapaminsalang paputok gaya ng goodbye covid, kwiton bomb, kwiton parachute, kwiton bomb, goodbye bading, kabasi, bin laden at goodbye Philippines.