Walang forever.
Ito ang ipinaalala ni Bayan Muna Representative Carlos Zarate sa mga opisyal ng Department of Transportation and Communications (DOTC) at Metro Rail Transit (MRT)-3 na isinasangkot sa kaliwa’t kanang kontrobersiya.
Sa panayam ng DWIZ, binigyang diin ni Zarate na kapag natapos na ang termino ng Pangulong Benigno Aquino III ay tiyak aniyang may kalalagyan ang mga opisyal na naglulustay sa pera na para sana sa pagpapabuti ng serbisyo sa pampublikong transportasyon gaya ng MRT.
“Yan na po yung araw talaga ng paniningil, these people will expect na talagang maniningil ang mga mamamayan sa kanila, so talagang walang forever sa mga katiwalian at tiwaling opisyal sa pamahalaan.” Ani Zarate.
Ang sistema kasi ayon kay Zarate, nagbubulag-bulagan at nagbibingi bingihan ang Pangulong Noynoy Aquino sa mga relamong iregularidad na ibinabato sa DOTC at mga opisyal ng MRT 3.
“Kaya minsan maisip natin surrender na tayo, lahat na lang ginawa natin, nanawagan na tayo ng imbestigasyon, ilang imbestigasyon na ang ginawa ng Kamara, nanawagan na tayo na mag-resign, ayaw mag-resign, nanawagan na tayo na i-kick out na ni Pangulong Aquino, ayaw pa rin, kahit na umaalingasaw na ang problema sa DOTC, talagang nagbibingi-bingihan, nagbubulag-bulagan ang administrasyong ito, sa tingin ko ang pinal na desisyon nito ay nasa ating mamamayan.” Pahayag ni Zarate.
By Ralph Obina | Karambola