Nilinaw ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na walang karapatan ang kanilang mga traffic enforcer na mangumpiska ng lisensya ng mga lumalabag sa batas-trapiko.
Binigyang-diin ito ni DILG Secretary Benhur Abalos Jr. matapos ilang reklamo ang kaniyang matanggap na kinukumpiska pa rin ng mga traffic enforcer ang lisensya ng mga nahuhuli nilang violators, simula nang suspindihin ang pagpapatupad ng No Contact Apprehension Program (NCAP).
Batay sa memorandum na inilabas ni Abalos, itinatakda ng Reiteration of Pertinent Provision on Road Safety and Transportation na bawal at hindi sakop ng trabaho ng traffic enforcer ang pagkumpiska sa lisensya ng mga traffic violator.
Maaari lamang silang mag-isyu ng citation ticket dahil ang mga deputized agent lang ng land transportation office ang may karapatan na mangumpiska sa lisensya.