Nabulabog ang mga miyembro ng Data Processing Division ng News and Information Bureau ng Malakaniyang .
Ito’y matapos ma-“wow mali” ang mga transcribers ng palasyo sa panayam ng isang himpilan ng radyo sa isang nagpakilala umanong si Pangulong Rodrigo Duterte.
Narinig sa programa ng radio anchor na si Deo Macalma ang tinig ng umano’y si Pangulong Duterte na nag-iyendorso umano kay Special Assistant to the President (SAP) Christoper Bong Go para tumakbo bilang Senador sa 2019 mid-term elections.
Napag-alaman na ang tinig umano ni Pangulong Duterte ay mula sa correspondent ng himpilang DZRH sa Bicol Region na kinilalang si Jun Alegre na kilala rin bilang isa sa mga impostor o gumagaya sa Pangulo.
Kalaunan, naglabas ng erratum o pagtutuwid ang NIB at nilinaw na ang nasabing transcript ay para sa impostor ni Pangulong Duterte na unang inakalang opisyal na pahayag mula mismo sa Pangulo.