Aarangkada na ang mga tren, point-to-point buses, transportation network vehicle services (TNVS) at taxi sa June 1 sa sandaling isailalim sa general community quarantine (GCQ) ang Metro Manila.
Ayon kay Engr. Bert Suansing, consultant ng Department of Transportation (DOTr), papayagan na rin ang mga bus at modern jeepney pagdating ng June 21.
Gayunman, magiging putol-putol pa rin ang byahe ng mga mananakay dahil limitado na lamang sa 31 ang ruta ng mga bus mula sa dating 96.
Halimbawa anya sa EDSA ay hanggang 550 bus lamang ang papayagang makadaan kaya’t ang lahat ng bus na galing ng labas ng EDSA ay hihinto sa bukana ng EDSA upang doon ulit sumakay ang pasahero patungo sa kanyang destinasyon.
Ang jeepney operation sa Metro Manila, hindi lang ‘yan mga 55,000. ‘Yun kasing ruta ng jeepney, napasok na ng bus ‘yan. Naging desisyon ‘yan ng DOTr kasi ang hierarchy ng service, una muna ‘yung high capacity, so, that’s train and bus, then ‘yun ngang modernized na jeepneys at kung kukulangin, ipapasok ‘yung jeepney,” ani Suansing.
Samantala, bawal pa ring makapasok sa Metro Manila ang mga provincial buses sa ilalim ng GCQ.
Ang mga galing anya ng norte ay hanggang sa terminal lamang sa Bocaue at Valenzuela, samantalang ang mga galing ng timog ay hanggang Sta. Rosa at Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) lamang.
Ipinahiwatig ni Suansing na bahagi na ito ng provincial bus ban na plano nilang ipatupad noong nakaraang taon subalit pinigil ng korte.
Long term plan na natin ‘yan, e, na ‘yung mga buses ay hanggang doon lang sa mga nasabing terminal para hindi sila nakakagulo sa traffic, related din sa COVID-19 ‘yan. Kasi pag may congestions, marmaing tao. Alalahanin niyo na ang franchise ay pribilehiyo lang ‘yan,” ani Suansing. —sa panayam ng Ratsada Balita