Nais ni Vice President Leni Robredo na ang mga tripulante ng Chinese vessel na bumangga at nagpalubog sa sasakyang pangisda ng mga Pilipino ay humarap sa pag uusig ng korte dito sa bansa.
Ayon kay Robredo, dapat na obligahin ang gobyerno ang China na kilalanin ang mga tripulanteng Tsino na sangkot sa insidente at kilalanin nito ang hurisdiksiyon ng Pilipinas sa kaso.
Sinabi pa ni Robredo na ang kabiguan ng gobyerno na manindigan sa pag aari ng Pilipinas sa West Philippine Sea ang nagiging dahilan kaya hindi na nirerespeto ng China ang batas at soberanya ng bansa na nagreresulta ng pinsala sa mga Pilipino.
Sa ganityong sitwasyon, hinamon ni Robredo ang mga lider ng bansa na maging makatotohanan sa kanilang mga pangako at manindigan para idepensa ang dignidad ng Pilipinas at ng bawat Pilipino.
Una nang sinabi ng Malakanyang na ikinagalit ni Pangulong Rodrigo Duterte ang nangyari sa Recto Bank ngunit nanatili namang tikom ang bibig ng pangulo sa insidente sa kanyang mga talumpati sa publiko.