Hinimok ng LTOP o Liga ng Transportasyon at mga Operator sa Pilipinas ang mga kapwa nila tsuper at operator ng mga jeepney na suportahan at sundin ang naka-kasang transport modernization sa susunod na taon.
Ayon kay Orlando Marquez, pangulo ng LTOP, nais aniya nilang ipaliwanag sa lahat ng mga tsuper at operator ang kabutihang dulot nito sa kanilang kabuhayan maging sa kalikasan.
Magugunitang inihayag ng DOTr o Department of Transportation na hindi na papayagan pa sa mga lansangan ang mga jeepney na nasa labinlimang (15) taon pataas.
Ayon kay DOTr Usec. Tim Orbos, gagamitin din nila ang MVIS o Motor Vehicle Inspection System para malaman ang edad at roadworthiness ng jeepney kahit hindi na ito manu-manong inspeksyunin.
Sinabi ni Marquez, panahon na para bigyang pansin ang kapakanan ng mga pasahero bukod sa kita ng mga nasa sektor ng pampublikong transportasyon.
“Aminin natin ang katotohanan na kahit yung ating mga jeep na may aircon sa Makati ay merong talagang mga pagkukulang na dapat na yung safety standard compliance na tinatawag, dapat ay tugunan natin dahil ito ay buhay ng ating mga kababayan ang nakasalalay dito na lagi nalang nangyayari na pag may aksidente, bibigyan tayo ng mga dahilan ng tsuper.. eh kailangan po natin ay sumunod tayo sa International Engineering Safety Standard Compliance na tinatawag.”
Kasunod nito, nanawagan din si Ka Lando sa mga tsuper na ayusin din ang kanilang mga sasakyan gayundin ang sarili sa tuwing magbibigay serbisyo sa mga pasahero.
“Kailangan ho yung ating mga drayber ay mdyo maligo naman ng tama at magbihis naman ng tama dahil minsan, mabaho na nga yung jeep na pinapasada niya, eh mas mabaho pa yung drayber. Hindi natin nilalait yung ating kababayan eh kaya lang taong-bayan serbisyong publiko tayo kaya po tayo ay dapat laging malinis.”
(Ratsada Balita Interview)