Binalaan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga tsuper ng jeep na magmamatigas pa ring magpatupad ng P0.50 na tapyas sa minimum fare.
Ito ay makaraang ulanin ng reklamo ng mga pasahero ang ahensya sa unang araw ng pagpapatupad ng P7.00 na minimum fare sa jeep.
Ayon sa LTFRB ang mga mapapatunayang lalabag na tsuper sa bawas pasahe sa jeep ay mahaharap sa P5,000 multa.
Nilinaw ng LTFRB na hindi na kailangan pa ng fare matrix o tarima dahil sa provisional lamang ang naturang fare rollback.
Ipinaalala rin ng ahensya na dapat bigyan ng mga tsuper ng 20 porsyentong diskwento ang mga pasaherong estudyante at senior citizens.
Matatandaang umaangal kahapon ang ilang commuter dahil sa pagtanggi ng mga jeepney driver na magbaba ng singil sa pasahe sa katwirang wala pa silang tarima.
By Ralph Obina