Inihayag ng Department of Transportation (DOTr) na hindi ang pasaherong lalabag sa “No Vaccination, No Ride” policy ang papatawan ng multa kundi ang drayber at operator ng sasakyan.
Ayon kay DOTr Road Transport Sector Assistant Secretary Mark Steven Pastor, 1,000 piso hanggang 10,000 piso ang maaaring multa ng mga tsuper at operator.
Posible rin aniyang masuspindi ang prangkisa nito depende sa nilabag na kautusan.
Nilinaw rin ng DOTr na hindi sakop ng naturang ordinansa ang mga pasahero kaya hindi sila kabilang sa papatawan ng multa. Ngunit posible rin itong maparusahan sakaling may umiiral na kautusan ang lokal na pamahalaan sa paglilimita ng mga indibidwal na hindi pa bakunado kontra COVID-19.
Samantala, sinabi ni Pastor na responsibilidad na tiyakin ng mga drayber at operator na nasusunod ng mga pasahero ang health and safety protocols. —sa panulat ni Airiam Sancho