Humirit ng taas-pasahe sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga tsuper ng bus, taxi at Transport Network Vehicle Service (TNVS).
Una nang naghain kahapon ng petisyon ang grupo ng mga bus na may layuning itaas sa 30 centavos hanggang 35 centavos ang singil sa pasahe patungong probinsya.
Ayon kay Provincial Bus Operators Association of the Philippines (PBOAP) President Alex Yague, dapat maipatupad ang inihaing petisyon para masolusyonan ang problema sa mataas na presyo ng langis at matulungan ang mga operator at jeepney drivers.
Nabatid na planong gawing 15 pesos ang pasahe sa mga buses sa unang limang kilometro habang 2 pesos at 50 centavos naman ang magiging dagdag sa susunod na kilometro.
Samantala, sinabi ni LTFRB Executive Dir. Kristina Cassion na target nilang maresolbahan ang lahat ng petisyong inihain ng mga transport group bago matapos ang termino ni pangulong rodrigo duterte.
Sa ngayon, plano naring maghain ng petisyon ang mga taxi driver para sa dagdag-singil sa pamasahe habang nakatakda namang dinggin sa Hunyo a-29 ng LTFRB ang petisyong inihain ng TNVS para sa umento sa pamasahe at Hunyo a-28 naman para sa mga jeep kung saan, gagawing 15 pesos ang minimum fare sa pamasahe.