Handang-handa nang muling bumalik sa lansangan ang mga pulis para tugisin ang mga nagbabalik ding adik at tulak ng ipinagbabawal na gamot na naghahasik ng krimen.
Ito ang inihayag ni PNP Chief Dir/Gen. Ronald Bato Dela Rosa makaraang muling magpahiwatig si Pangulong Rodrigo Duterte na ibabalik nito sa pulisya ang war on drugs sakaling muling tumaas ang antas ng krimen sa bansa.
Ayon sa PNP Chief, naghihintay na lamang sila ng kumpas mula sa Pangulo para muling pangunahan ang mga operasyon kontra iligal na droga, katuwang ang PDEA o Philippine Drug Enforcement Agency na siyang lead agency sa ilalim ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Magugunitang tinanggal ng Pangulo ang PNP sa war on drugs ng kaniyang administrasyon dahil sa sunud-sunod na nangyaring mga patayan lalo na sa ilang kabataan na umani ng kaliwa’t kanang batikos at pagpuna.