Hinimok ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos, Jr. ang publiko na bumisita sa mga magagandang lugar o pasyalan sa Bacolod City.
Kasunod na rin ito nang inaasahang personal na pagdalo mismo ng pangulo sa pagdiriwang ng 2022 Masskara Festival ng lungsod sa Linggo, October 23.
Ayon sa pangulo, pagkakataon ito para muling makisaya at makatagpo ng mga bagong kaibigan matapos magsara ang ekonomiya, kung saan hindi napayagan ang mga kaparehong pagtitipon at kasiyahan ng ilang taon dulot ng COVID-19 pandemic.
Binigyang-diin ng PBBM na ang pagbabalik ng Masskara Festival na kilala sa buong mundo ay senyales na bukas na muli ang Pilipinas at handa nang tumanggap ng mga dayuhang turista at bisita.
Tiwala ang Pangulong Marcos Jr. na ang nakatakdang okasyon ay magsisilbing daan upang muling mapag-alab sa puso ng bawat isa ang kasiyahan na may ganitong kultura at tradisyon sa bansa. – mula sa ulat ni Gilbert Perdez (Patrol 13)