Lilimitahan na rin ang pagdagsa ng mga turista sa ilang mga sikat na isla sa Southeast Asia para mas mabigyang proteksyon ang ecosystem ng mga ito.
Kabilang sa apat na buwang ipasasara ay ang Maya Bay sa Thailand na nakilala sa buong mundo matapos maipakita sa pelikulang “The Beach” na pinagbibidahan ng international actor na si Leonardo DiCaprio.
Ayon sa isang Bangkok marine expert, nalalagay sa panganib ang ecosystem ng mga isla sa Thailand gayundin ang unti-unting pagkawasak ng mga coral reefs dulot ng tumataas na temperatura sa dagat, dagsa ng mga turista at polusyong dala ng mga bangka at hotel.
Kanila ring inirekomenda ang paglimita na lamang sa anim na milyong mga turista kada taon na maaaring bumisita sa 22 marine parks sa Thailand para makarekober ang mga ito mula sa unti-unting pagkasira.
Una nang inirekomenda ng tatlong ahensiya ng pamahalaan ng Pilipinas ang pagpapasara nang anim na buwan sa Boracay Island makaraan namang tawaging cesspool o imburnal ni Pangulong Rodrigo Duterte ang nasabing isla.
—-