Tiniyak ng lokal na pamahalaan ng Malay, Aklan na ligtas ang mga turistang bumibisita sa Boracay.
Ito ay matapos lumabas sa pag-aaral ng Mines and Geosciences Bureau, line agency ng DENR sa Western Visayas, na mayroong 815 sinkholes ang nakita sa tatlong barangay sa Boracay — mas mataas kumpara sa 789 noong 2018.
Ayon kay Malay Mayor Flolibar Bautista, batay sa kopya ng 2018 Assessment Report na iniulat ng MGB, hindi gaano kalalim at kalaki ang mga nakitang butas.
Matatagpuan aniya ang karamihan nito sa hindi matataong lugar habang ang pinakamalaking butas ay nasa loob ng kweba na may lalim na limang metro.
Karaniwang nagkakaroon ng mga sinkholes sa mga lugar kung saan ang bato sa ibaba ng ibabaw ng lupa ay gawa sa limestone na maaaring dulot ng lindol o pag-alis ng tubig sa lupa.