Asahan na ang pagdoble pa ng mga turistang bumibisita sa Pilipinas.
Reaksyon ito ni Tourism Assistant Secretary Ricky Alegre sa pagkakatanggal ng Ninoy Aquino International Airport o NAIA sa listahan ng mga pinakapangit na airports sa mundo batay sa listahan ng Sleeping in Airport website.
Ayon kay Alegre, kahit noong hindi pa natatanggal sa listahan ang NAIA ay patuloy sa paglago ang turismo sa bansa.
Sa katunayan, labing isang (11) porsyento aniya ang iniangat ng turismo noong Hulyo.
“Sinasabi nga natin dito ay ito’y team effort hindi lang ng isang sektor at ang beneficiary syempre ay tourism industry na ngayon ay towards na tayo’y maging favorite destination sa Asia.” Ani Alegre
Samantala, tiniyak ng Manila International Airport Authority o MIAA ang tuloy-tuloy na pagpapaganda sa mga paliparan sa bansa lalo na sa Ninoy Aquino International Airport o NAIA.
Ayon kay MIAA General Manager Ed Monreal, tinitignan nila ito bilang malaking hamon kung paano mapapanatili ang gumaganda nang imahe ng NAIA.
“Tinignan natin ang negative reviews at doon tayo nagsimula at pinagbasehan natin ang mga dapat na gawin at tutukan. Una siguro nawala yung fear, naging viral po kasi yung ganung imahe natin na ang mga pasahero ay natatakot umalis dahil sa hindi secured na bagahe, mga ganung bagay.” Pahayag ni Monreal
Ikinalugod din ni Transportation Secretary Arthur Tugade ang pagkakaalis ng NAIA sa listahan ng mga world’s worst airport.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni Tugade maituturing itong magandang balita ngunit hindi aniya dito natatapos ang pagsusumikap ng pamahalaan para pagandahin ang mga paliparan sa bansa.
Hangad ni Tugade na mapabilang naman ang mga paliparan ng bansa sa pinakamagagandang airport sa buong mundo.
“Importante na nawala tayo sa worst at hangarin natin na malagay tayo sa best. Let us not be complacent, tuluy-tuloy ang trabaho para mapaigting natin ang improvement para sa sambayanan.” Pahayag ni Tugade
(Ratsada Balita Interview)