Hindi ikinabahala ng DOT o Department of Tourism ang ulat na may ilang mga turista ang nagkansela na ng kanilang byahe patungo sa isla ng Boracay.
Sa panayam ng DWIZ kay Tourism Asst/Sec. Ricky Alegre, sinabi nito na maliit lamang ang naging epekto ng problema ng Boracay sa tourist arrivals sa naturang isla.
Gayunman, binigyang diin ni Alegre na nais ipakita ng gobyerno na seryoso ito sa kanilang kampanya na linisin ang Boracay mula sa duming nilikha ng mga mapagsamantala at mapang-abusong naninirahan dito
“Gusto ni Pangulong Duterte na ma-save at ma-sustain ang Boracay. Dalawang keywords yun. Save and sustain. Pag hindi natin ginawa ngayon dito yan, paano na yung future generation? Paano na yung Boracay in 2025 and in the next 100 years?”
Dahil dito, sinabi ni Alegre na kinakailangan na ng mga establisyemento tulad ng mga resort na magtayo ng isang waste treatment facility bago mag-operate.
“Simula ngayon, base sa utos ni Pangulong Duterte, lahat ng hotels at resort nationwide, kailangan na isama na ang waste treatment facility. Pag hindi mo nilagay sa plano yun, hindi ka namin i-a-accredit. Pag hindi ka namin na credit, hindi ka makakakuha ng DENR clearance at mayors permit. “