Kinasuhan na ang grupo ng mga turista na responsible sa pagkakasunog sa bahagi ng Camp Site No. 3 ng Mt. Pulag sa Kabayan, Benguet noong Sabado.
Ayon kay Deputy Prosecutor Andres Gondaya, naghain ng kasong reckless imprudence resulting in arson ang Philippine National Police (PNP) at Bureau of Fire Protection (BFP) laban sa mga turista na mula Cebu.
Nagsumite din ng affidavit ang Mt. Pulag Parks Area Superintendent Officer na si Teber Dionisio na nagpapatibay na ang naturang mga turista ang responsible sa insidente dahil sa butane stove na ginamit ng mga ito.
Dahil dito, maliban sa kasong arson ay mahaharap din ang mag akusado sakasong paglabag sa Forestry Code of the Philippines.
Pansamantalang sinuspinde ang hiking at trekking activities sa Mt. Pulag sa Benguet kasunod ng naganap na forest fire.
Bagama’t nilamon ng apoy ang damuhan malapit sa camp sites, wala namang nasaktang hiker o kaya’y na-stranded sa lugar.
Nilinaw naman ng pamunuan ng parke na ang mga nakapag-book na para sa mga susunod na araw ay papayagang pumasok sa Four Lakes, isang sikat na destinasyon sa bayan ng Kabayan, Benguet Province.