Kumbinsido si Retired Chief Justice Reynato Puno na magbabago pa ang isip ng mga Pilipinong tutol sa ngayon sa Charter Change.
Ayon kay Puno, bagamat 64 porsyento ng mga Pilipino ang tutol sa Charter Change, 32 porsyento naman nito ang tutol lamang sa ngayon pero pabor na isagawa ito sa hinaharap.
Umapela si Puno sa mga Pilipino na pagbigyan munang magtrabaho ang Constitutional Commission na kanyang pinamumunuan para maipakita sa sambayanan ang mga pagbabago sa konstitusyon na matagal nang dapat ipinatupad.
Pinuna ni Puno na karamihan sa mga dahilan ng pagtutol sa Charter Change ay nakabase sa mga pangamba na malabo aniyang mangyari dahil hindi ito makakalusot sa Con-Com.
“Kapag tiningnan natin ang mga base ng pagkontra nila ay panay mga fears, mga pangamba na kapag ginawa ang Charter Change, ‘yang bill of rights ay mababalewala, mababawasan, ang term of office ng mga nakaupo ay palalawigin, na magiging diktador ang nakaupong Presidente, mga ganun ang objections nila, sa tingin natin panay mga pampupulitika lang ‘yan.” Ani Puno
Naniniwala si Puno na matatamo lamang ng Pilipinas ang tunay na pag-unlad kapag naikalat sa iba’t ibang rehiyon ang kapangyarihan ng pamahalaan na sa ngayon ay naka-sentro lamang sa Metro Manila.
Isandaang taon na aniyang umiiral ang Presidential System of Government sa Pilipinas at kitang-kita naman ang mga depekto nito na nakakahadlang sa pag-unlad ng bansa.
“Na-experience natin ang klase ng gobyerno na ang lahat ng poder ay nandito sa Metro Manila, kailan pa po natin ito babaguhin? Lalo na po tingnan natin ang nangyayari sa Mindanao, ang ibang grupo diyan gusto lang humiwalay sa ating republika, bakit po nagkakaganyan ‘yan dahil sa concentration of powers dito sa Metro Manila.” Pahayag ni Puno
‘Two party system’
Target ng Constitutional Commission na magkaroon na lamang ng dalawang malalakas na partido sa bansa sa ilalim ng binabalangkas nilang amyenda sa konstitusyon.
Ayon kay Retired Supreme Court Chief Justice Reynato Puno, Chairman ng Con-Com, mas lalakas ang demokrasya sa bansa kung mapipigilan ang mga balimbing na mahilig magpalipat-lipat ng partido para sa kanilang pansariling interes.
Binigyang diin ni Puno na ang pagiging balimbing ng maraming mga pulitiko ang nagiging ugat ng political patronage sa bansa.
(Ratsada Balita Interview)