Duda si Bayan Muna Party-list Representative Carlos Zarate kung pabor sa mga konsyumer o sa mga kumpaniya lamang ng kuryente ang pinasok na kontrata ng MERALCO o Manila Electric Company sa iba pang mga power producers.
Ito’y makaraang kuwestyunin sa Kamara ang mga umano’y midnight deals na pinasok ng MERALCO at ng mga power producers na aprubado umano ng ERC o Energy Regulatory Commission.
Ayon kay Zarate, lumalabas mas mahaba pa ang mga terms para sa pitong PSA o Power Sharing Agreement na pinasok ng MERALCO kumpara sa prangkisa nito kaya’t naniniwala siyang dehado rito ang mga konsyumer ng kuryente.
Ngunit pagdidepensa naman ni ERC Commissioner Josefina Asirit, tanging ang PSA sa PEDC o Panay Energy Development Corporation ang nabigyan ng provisional authority dahil nakabinbin pa ang hearing sa tatlo pang kasunduan bunsod ng kawalan ng ECC o Environmental Compliance Certificate.
Una nang itinanggi ng MERALCO na midnight deals ang kanilang pinasok dahil tinupad naman nito ang lahat ng mga reglamentong ipinatutupad ng ERC pagdating sa mga power sharing agreements.
SMW: RPE