Nagbabala si Philippine National Police o PNP Chief P/Gen. Guillermo Eleazar sa lahat ng gumagamit ng motorsiklo na mahaharap sa kalaboso kung hindi sila magtitino.
Ito’y matapos magviral sa social media ang video ng 2 nagmomotorsiklo sa Zambales na animo’y hagad ng pulisya na nag uunahan at nag-e-exhibition pa sa lansangan.
Ayon kay Eleazar, inatasan na niya ang Central Luzon PNP na imbestigahan at parusahan ang mga nasa likod ng viral video ng tinawag niyang kamote riders.
Giit pa ng PNP Chief, nalalagay sa alanganin ang kaligtasan ng mga rider ang ganoong uri ng gawain na posibleng maging mitsa pa ng pagkalagas ng buhay.
Nagbabala rin si Eleazar sa mga pulis na gagawa ng ganitong uri ng paglabag na tiyak may kalalagyan sa kaniya ang mga ito.— ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)