Maaari nang kunin ang mga unclaimed balikbayan boxes.
Ayon sa Bureau of Customs (BOC), pwedeng kunin sa Panabo Bypass Road, Brgy. Cagangohan ang mga boxes na nasa Davao Port.
Habang sa JJM warehouse, Banisil, Brgy. Tambler, General Santos City naman maaaring kunin ang mga balikbayan boxes na nasa sub-port ng Dadiangas.
Dagdag pa ng BOC, bukas ang mga nasabing lugar lunes hanggang biyernes, mula 8 a.m. hanggang 5 p.m. , maliban tuwing holiday.
Wala rin anilang bayad ang pagkuha sa mga balikbayan boxes, pero kailangan magpakita ng dalawang valid government IDs, proof of shipping documents, photocopy ng passport ng nagpadala, at authorization letter sakaling ibang tao ang kukuha.
Batay sa datos ng ahensya, 70 mula sa 282 unclaimed boxes ang nailabas na sa Davao port at 92 mula sa 1,002 packages naman sa sub-port dadiangas ang nakuha na.
Nabatid na ang mga unclaimed balikbayan boxes ay mula sa mga forwarding company na hindi nakipag-ugnayan sa mga pamilya ng Overseas Filipino Workers (OFWs) dahilan para hindi maproseso.