Inihahanda na ng Pilipinas ang walong (8) military bases na ipapagamit sa US kung saan puwedeng magtayo ang Estados Unidos ng military facilities na paglalagyan ng kanilang mga kagamitan at supplies sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).
Ayon kay Armed Forces of the Philippines (AFP) Spokesperson Colonel Restituto Padilla, ang plano ay pinag-aaralan pa ng pamahalaan sa gitna na rin nang umiinit na tensiyon sa West Philippine Sea.
Kasama dito ang limang military airfields, dalawang (2) naval bases at jungle training camp.
Ang listahan ng mga lugar na puwedeng pagtayuan ng facilities ay matagal na raw na inihanda subalit sasailalim pa sa diskusyon.
“Nakikita niyo sa listahan kasama po diyan ang sa Cebu na pinagmulan ng springboard ng tulong papunta ng Tacloban, sa Luzon po meron tayong Fort Magsaysay yun po ang lilipatan ng isang air force unit natin, yan po ang Lumbia airport.” Pahayag ni Padilla.
***
Nilinaw din ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na wala munang tanke o anumang kagamitan at sasakyang pandigma ng Estados Unidos ang ipapasok sa Pilipinas sa bisa ng Enhanced Defense Cooperation Agreement o EDCA.
Ipinabatid ni AFP Spokesman Col. Restituto Padilla na ang prayoridad na mailagay ngayon sa ilang mga kampo ng militar sa iba’t ibang bahagi ng bansa ay ang mga kagamitan sa HADR o Humanitarian Assistance and Disaster Response.
Ayon kay Padilla, ito ay kinabibilangan ng mga generator, pailaw, water purifiers, truck, fork lifts at iba pang magagamit sa paghahatid ng tulong sa mga maaapektuhan ng trahedya o sakuna.
Aniya, sa ngayon ay mayroong walong lugar sa Pilipinas ang inererekomendang paglagakan ng mga kagamitan ng Amerika tulad ng Basa Air Base sa Pampanga, Fort Magsaysay sa Nueva Ecija, Antonio Bautista Air Base sa Palawan, Benito Ebuen Air Base sa Mactan Cebu, Clark Air Base, Lumbia Airfield sa Cagayan de Oro at dalawa pang naval bases sa Palawan at Cebu.
By Mariboy Ysibido | Ratsada Balita | Meann Tanbio | Jonathan Andal