Inatasan na ni Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat ang lahat ng Undersecretaries at Assistant Secretaries ng kagawaran na magsumite na ng kani-kanilang courtesy resignations.
Tiniyak ni Puyat sa mga opisyal na kahit pinagbibitiw sila gaya ng ginawa ni Justice Secretary Menardo Guevarra sa kanyang ahensya ay hindi naman sila mawawalan ng trabaho.
Ipinaliwanag ng Tourism Secretary na ganito rin ang kanyang ginawa bilang bahagi ng pagbabago noong Undersecretary pa lamang ng Department of Agriculture o DA.
Kahapon ang unang araw ni Puyat bilang kalihim ng DOT kapalit ng nagbitiw na si dating Secretary Wanda Tulfo-Teo na naharap sa kontrobersya kamakailan.
‘Buhay Carinderia Project’
Samantala, pagpapaliwanagin ni Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat si Tourism Promotions Board Cesar Montano kaugnay sa ‘Buhay Carinderia’ project ng kagawaran para ipakilala ang Filipino street food at lokal na kainan sa bansa.
Ito ay matapos lumabas ang ulat na nagbayad ng buo si Montano sa isang Linda Legaspi para sa hindi pa nasisimulang event para sa ‘Buhay Carinderia’ project na nagkakahalaga naman ng 80 milyong piso.
Ayon kay Puyat, kanyang aalamin kay Montano ang plano nito at kung dumaan ba sa tamang proseso at bidding ang pagkuha sa organizers nito.
Sinabi pa ni Puyat, kanyang kakanselahin ang kontrata ng organizers kapag napatunayang hindi ito dumaan sa bidding.
Dagdag pa ni Puyat, lilinawin din aniya kay Montano ang alegasyong dumalo ito sa isang pagtitipon bilang official speaker sa Estados Unidos pero agad na umalis para umano manood ng isang Broadway show.
—-