Hindi pa makaka-pasada ang mga UV express bukas, Hunyo 22.
Ito ang inihayag ni Transportation Road Sector consultant Alberto Suansing dahil hindi pa aniya tapos ang pagtukoy at pagsasaayos sa magiging ruta ng mga UV express.
Taliwas ito sa naunang plano ng DOTr para sa ikalawang phase ng pagbabalik ng mga pampublikong transportasyon kung saan kabilang sana ang mga UV express sa mga papayagan nang makabiyahe muli simula Hunyo 22 hanggang Hunyo 30.
Ayon kay Suansing, gagawin nang point-to-point ang ruta ng mga UV express na kasalukuyan pa nilang isinasaayos.
Samantala, tuloy naman ang pagbiyahe ng mga modern jeepney at mga pampublikong bus na mayroon nang natukoy na mga ruta.
Habang sinabi ni Suansing na hindi pa pinapayagan ang pamamasada ng mga lumang jeep bagama’t isinasaayos na rin ng DOTr ang mga ruta nito.