Inaasahang dadalo na ngayong araw sa ikatlong pagdinig ng House Tri-Committee ang mga vlogger at Social Media Influencers na inimbitahan ng komite kabilang na sina Jose “Jay” Yumang Sonza; Krizette Laureta Chu; Mark Lopez; Mary Jane Quiambao Reyes; at dating Press Secretary at Vlogger na si Atty. Trixie Cruz-Angeles.
Ang nasabing pagpupulong ay pangungunahan ni Laguna Rep. Dan Fernandez, ang Chairman ng House Committee on Public Order and Safety.
Inaasahan rin ang pagdalo ng mga kinatawan ng mga ahensya ng gobyerno at ang mga miyembro ng mga social media platforms gaya ng Google, Meta, at Tiktok upang sagutin ang mga nakalatag na tanong ng mga mambabatas.
Layon ng panel na matukoy ang pananagutan ng ilang mga content creator at influencers sa pagpapakalat ng fake news, kung ang kanilang mga content ay ginagamit para linlangin ang publiko at putaktehin ang mga kalaban sa politika; kung papaano pinopondohan ang ganitong uri ng organisasyon; maging ang mga hakbang na gagawin laban sa pagkalat ng mga maling impormasyon nang hindi nalalabag ang freedom of speech.
Nilinaw ng Kamara na ang imbestigasyon ay isang hakbang upang makagawa ng angkop na regulasyon na may kaakibat na parusa sa mga indibidwal na sadya at paulit-ulit na nagpapakalat ng mga maling impormasyon.—ulat mula kay Geli Mendez (Patrol 30)