Umapela ang Confederation of Truckers Association of the Philippines (CTAP) sa Bureau o Customs (BOC) na mailipat sa isang lugar sa labas ng Metro Manila ang imbakan ng mga walang laman na shipping line containers.
Ayon kay CTAP chairman Emeritus Edgar Aglipay, humahaba ang linya ng mga ibinabalik na walang laman na containers at mga may kargang pang-export sa bahagi ng port area.
Dahil aniya dito, madalas na nahuhuli ang mga containers na naglalaman ng mga pang-export na produkto at hindi naaabutan ang paalis na barko.
Sinabi ni Aglipay, umaabot sa 3,000 hanggang 5,000 ang mga containers na iniaalis at ipinapasok sa pantalan ng Maynila kada araw.
Magiging malaking kabawasan aniya kung sa ibang lugar isasauli ang mga walang lamang containers at doon na lang din kukunin kapag kinakailangan ng isang kumpanya para magkarga ng mga pang-export na produkto saka dadalhin ng Manila port.
Dagdag ni Aglipag, maliban sa kanilang sulat kay Customs Commissioner Rey Guerrero, kanila ring hiniling na makapulong sina Interior and Local Government Secretary Eduardo Año at MMDA chairman Danilo Lim para naman umapela sa oras ng truck ban.