Pinagpapaliwanag ng National Privacy Commission (NPC) ang ilang websites ng online gambling at cryptocurrency ang kanilang posibleng kaugnayan sa pagkalat ng mga text scam messages sa bansa.
Batay sa imbestigasyon ay idini-diretso ng ilang link at Uniform Resource Locators (URL), na kinabibilangan ng personalized spam messages, ang mga user sa gambling at cryptocurrency sites.
Hindi naman tinukoy ng NPC ang mga website na may direct link sa mga spam messages.
Ayon kay NPC Public Info and Assistance chief Roren Marie Chin, hindi mabatid kung saan gagamitin ang mga personal na impormasyon na nakalap ng mga gambling at cryptocurrency sites.
Gayunman, maaari anyang gamitin ang mga naturang impormasyon upang gumawa ng isa pang account at makakuha ng pera sa mga bank account ng isang partikular na user.
Nakikipag-ugnayan naman ang ahensya sa telecommunication companies at iba pang government agencies, gaya ng National Bureau of Investigation para sa “Intelligence Sharing” upang maresolba ang problema sa scam messages.
Sakaling mapatunayan na may kaugnayan sa paglipana ng text scams, mahaharap sa kasong paglabag sa Section 25 ng Data Privacy Act o Unauthorized Processing ang mga administrator ng website, pagmumultahin ng hanggang P5 million at makukulong ng hanggang tatlong taon.