Wala pang Pilipino ang nagpopositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa South Korea.
Ito’y sa kabila ng mabilis na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa naturang bansa.
Sa ipinalabas na pahayag ng Department of Foreign Affairs (DFA) ngayong Linggo, sinabi nito na nakipag-ugnayan na sila sa Filipino communities doon at wala pa namang nairereport na Pinoy na naapektuhan ng outbreak.
Nilinaw rin ng DFA na sa ngayon ay wala pang ipinapatupad na travel ban sa South Korea.
Nakiusap naman ang DFA sa mga Pilipino na nakatakdang lumipad patungong South Korea na kung maaari ay kanselahin muna ito dahil banta ng COVID-19.
Ang South Korea na ang may pinakamadaming kaso ng COVID-19 sa labas ng China.
Sa pinakahuling update, 5 na ang namatay at aabot sa mahigit 600 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa naturang bansa.