Nanindigan si Manila International Airport Authority (MIAA) General Manager Ed Monreal na hindi siya magbibitiw sa kaniyang puwesto.
Ito ay sa harap ng panawagan ng ilan sa kaniyang mga kritiko matapos ang pagkakaparalisa ng operasyon sa NAIA dahil sa sumadsad na eroplano ng Xiamen Airlines.
Ayon kay Monreal, magbibitiw lamang siya sa puwesto kung ito ay ipag-uutos mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Giit pa ng opisyal, kumbinsido siya na kanyang ginawa ang lahat upang mabilisang maresolba ang aberya sa paliparan.
Magugunitang inulan ng batikos ang pamunuan ng MIAA at iba pang sangkot na ahensya dahil sa umanoy kawalan ng kahandaan sa ganung klaseng insidente.
Ilang senador hindi sang-ayon sa panawagang magbitiw sina Monreal at Tugade
Hindi sang-ayon ang ilang senador sa panawagang magbitiw sa puwesto sina MIAA General Manager Ed Monreal at Transportation Secretary Arthur Tugade kaugnay sa nangyaring aberya sa NAIA.
Ayon kay Senador Grace Poe, dapat namang bigyan ng pagkakataon sina Tugade at Monreal upang makapagpaliwanag ukol sa nasabing insidente.
Naniniwala din si Senador JV Ejercito na dapat munang hintayin ang imbestigasyon at pagdinig na itinakda sa Agosto 29 upang marinig ang panig ng dalawang opisyal.
Sinabi naman ni Senador Chiz Escudero na hindi palaging solusyon ang pagpapatalsik sa pwesto o i-panawagan ang pagbibitiw ng isang opisyal kung magkaroon ng aberya sa ilalim ng kaniyang pamumuno.
—-