Naghahanda na ang Manila International Airport Authority (MIAA) sa tinatawag na new normal para sa mga pasahero at airport staff.
Ipinabatid ng miaa na nagsimula na silang maglagay ng acrylic barriers sa mga check in counters sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminal 1 para maiwasan ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID- 19).
Sinabi ni MIAA General Manager Ed Monreal na bumili na rin sila ng mahigit dalawang libong kahon ng surgical face masks at nakikipag ugnayan na sa bureau of Quarantine para malaman ang dapat na personal protective equipment (PPE) para sa proteksyon ng kanilang mga empleyado.
Naglabas na rin ang MIAA ng mga patakaran sa paliparan para maiwasan ang pagkalat ng virus sakaling alisin na ang travel restrictions at bumalik na sa normal ang operasyon ng NAIA.
Kabilang dito ang pagsusuot ng face mask sa pagpasok sa pasilidad ng paliparan, pagsailalim sa mandatory body temperature check ng lahat ng papasok sa paliparan, mahigpit na pagpapatupad ng social distancing sa paliparan lalo na sa pagpila gayundin ang one seat apart policy; pagdaan sa walk through X-ray machines, portable scanners, hand held metal detectors at iba pang gamit na para sa no contact checking sa security procedures.
Bukod pa ito sa tanging pagpapasok lamang sa mga pasaherong may valid travel documents at confirmed bookings, palagiang paglilinis ng mga pasilidad sa naia lalo na ng mga ginagamit sa flight operations at mga cr at pagpapanatili ng foot baths sa entry at exit points ng mga pasahero at airport personnel kabilang ang boarding bridges o katulad na lugar para sa pagbaba at pagsakay ng mga pasaher sa eroplano.