Naghain na ang Migrante International ng reklamo sa House Committee on Ethics laban kay ACTS-OFW Cong. Aniceto “John” Bertiz sa kabila ng pagsisimula ng moto propio investigation ng ethics committee sa kontrobersiyang kinasangkutan ng mambabatas sa NAIA.
Kasama ng Migrante International na naghain ng reklamo ang Pinay OFW na si Shiela Mabunga at ang ama nito ng human trafficking laban kay Bertiz.
Ayon kay Mabunga, ipinadala siya ng Global Asia Alliance Consultant Inc. na pagmamay-ari ni Bertiz sa Saudi Arabia pero pagdating sa nasabing bansa ay magkaiba ang employer sa dalang kontrata ng OFW at sa hawak nitong working visa.
Binubugbog din siya ng kanyang amo dahilan kaya paralisado ang halos kalahati ng katawan ng OFW.
Ilang beses na umano siyang humingi ng tulong sa agency ni Bertiz at nakausap niya pa ito noong nagpunta si Bertiz sa Al Kharj Saudi Arabia, mga panahon na hindi pa ito kongresista.
Sa halip na tulungan ay sinabihan pa siya ni Bertiz na tapusin ang dalawang taong kontrata.
Inakusahan din umano ni Bertiz na humihingi lang ng pera ang pamilya ng OFW kaya tawag ng tawag sa kanyang agency.
Isinusulong naman ng Migrante International na matanggal na bilang ACTS-OFW Congressman si Bertiz dahil hindi ito tunay na kumakatawan sa mga OFWS.