Umapela sa gobyerno ang Migrante partylist group na kumilos para maisalba ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na nasa death row.
Binigyang diin sa DWIZ ni Migrante Partylist Representative Connie Regalado na maraming OFW na death convicts ang naisalba nila at nahaharap na lamang sa life sentence.
Sinabi ni Regalado na halos 100 pang OFWs ang nakatakdang bitayin sa ibat ibang bansa.
“Kung sa kaso ni Mary Jane Veloso too late na pero talagang nandoon ang tutok ng Migrante at ng buong mundo, nagkaroon tayo ng pagkakataon na pagsampa ng kaso sa nag-recruit sa kanya, kailangan kasi immediately nandun kaagad yung gobyerno sa unang araw ng pag-aresto niya lalo pa ngayon kung kasama si Joselito at Mary Jane meron pa tayong 95 lahat na nakahanay sa death row sa ibat ibang kulungan.” Pahayag ni Regalado.
Joselito Zapanta
Kaugnay nito, kabado ang Migrante partylist group sa magiging kapalaran ng OFW na umano’y nakatakdang bitayin sa Saudi Arabia bago mag-Pasko.
Sinabi sa DWIZ ni Migrante Partylist Representative Connie Regalado na nakatutok sila sa sitwasyon ni Joselito Zapanta lalo na’t kailangan pang mabuo ang kulang sa 30 million Riyals o halos kalahating milyong piso na blood money para sa pamilya ng napatay ng naturang OFW.
“Ayaw tanggapin nung pamilya ng biktima na kulang yung blood money, medyo malaki ang hinihinging blood money so ito yung nakakaantala kung bakit hindi pa hanggang sa ngayon nadedesisyunan itong kay Joselito Zapanta, so far upheld na yung kanyang execution so yun ang isang nakakakabang sitwasyon dahil sa anytime kagaya ni Carlito Lana noong last December, nalaman na nga lang ng pamilya sa TV na napugutan na, so far dito yung situation di natin alam kung saan patutungo pero ang pinag-uusapan ngayon ay kailangang mabuo yung blood money.” Ani Regalado.
By Judith Larino | Ratsada Balita