Umani ng overwhelming support ang pag-isyu ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng mga proklamasyon na nagkakaloob ng amnestiya sa mga dating miyembro ng mga rebeldeng grupo.
Mismong Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Moro National Liberation Front (MNLF), pinuri ang naging hakbang ni Pangulong Marcos.
Para kay MILF Chairman Al Haj Murad Ebrahim, nagpapakita ng strong signal sa commitment ng pamahalaan na ipagpatuloy ang peace process kasama ang MILF ang paglabas ni Pangulong Marcos ng Proclamation No. 405. Sa bisa ng Proclamation No. 405, pagkakalooban ng amnestiya ang mga kwalipikadong miyembro ng MILF.
Sabi ni Ebrahim, prayoridad nilang tiyakin na mutually honored, substantially implemented, at timely completed ang mga kasunduan sa Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB). Tumutukoy ang CAB sa final peace agreement na nilagdaan ng pamahalaan ng Pilipinas at MILF noong March 27, 2014.
Pinasalamatan naman ni Ebrahim si Pangulong Marcos at ang administrasyon nito sa walang sawang pagsusulong ng peace, reconciliation, at unity policies.
Ganito rin ang naging pahayag ng MNLF. Ayon kay Office of Deputy Speaker Ustadz Abdulkarim Tan Misuari, naipakita ni Pangulong Marcos na seryoso ito sa pagkakaroon ng diyalogo at negosasyon upang maresolba ang mga gusot sa mga dating kumalaban sa gobyerno sa pamamagitan ng paglabas ng Proclamation No. 406.
Sa bisa naman ng Proclamation No. 406, bibigyan ng amnestiya ang mga kwalipikadong miyembro ng MNLF.
Dagdag pa ni Misuari, hindi lang susuporta ang desisyong ito ng Pangulo sa pagbabalik-loob ng mga miyembro ng MNLF sa lipunan. Aniya, makakaambag din ito sa pag-unlad ng bansa.
Tumutukoy ang amnesty sa pagbibigay ng awtoridad ng official pardon o pagpapatawad sa mga nahatulan ng political offenses. Hindi naman sakop ng amnestiya ang mga rebeldeng nakagawa ng terrorism, rape, kidnap for ransom, massacre, at iba pang mga mahahalay na paglabag sa karapatang pantao.
Para sa Armed Forces of the Philippines (AFP), makatutulong sa kapayapaan ng bansa ang pagbibigay ng amnestiya ni Pangulong Marcos, ngunit siniguro naman ni Department of National Defense (DND) Secretary Gilberto Teodoro na nananatili pa ring alerto ang pamahalaan laban sa extremism at terorismo.