Hindi na isusuko ng Moro Islamic Liberation Front o MILF ang iba pang mga armas nito sa pamamagitan ng “decommissioning.”
Ito’y matapos mabigo ang Kongreso na maipasa ang Bangsamoro Basic Law o BBL sa nalalabing termino ni Pangulong Benigno Aquino III.
Ayon kay Presidential Communications Secretary Herminio Coloma Jr., nilinaw na umano ni Peace Adviser Teresita Quintos Deles na hindi matutuloy ang decommissioning.
Matatandaang iginiit ng MILF na isusuko lamang nila ang lahat ng kanilang mga baril kapag nakalusot ang naturang panukalang batas.
Senate
Inamin naman ng liderato ng senado na hindi nito maipapasa ang panukalang Bangsamoro Basic Law o BBL.
Subalit, paliwanag ni Senate President Franklin Drilon, hindi ito nangangahulugan na patay na rin ang comprehensive agreement na nilagdaan nito sa Bangsamoro.
Ayon kay Drilon, dapat ipagpatuloy ng sino mang susunod na Pangulo ng bansa ang usapang kapayapaan para sa kapakanan ng sambayanan.
Nakatakdang mag-adjourn ang Kongreso sa Pebrero 5 at hindi rin umano tiyak ni Drilon kung matatalakay sa Mayo ang BBL.
Nilinaw naman ni Drilon na mayroon pang option para lumusot ang BBL at ito ay ang muling paghahain ng naturang panukalang batas sa 17th Congress.
By Jelbert Perdez
*Photo Credit: govph