Pinanindigan pa rin ng Moro Islamic Liberation Front o MILF ang kanilang imbestigasyon sa madugong engkwentro sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero na ikinasawi ng halos 70 kabilang na ang mga miyembro ng Philippine National Police-Special Action Force o SAF.
Ayon kay Mohaguer Iqbal, punong negosyador sa panig ng MILF, naniniwala silang totoo ang naging resulta ng kanilang imbestigasyon na hindi mga SAF commandos ang nakapatay sa teroristang si Marwan kundi ang aide nito na kanilang miyembro.
Gayunman, iginagalang nila ang lumabas na official result ng imbestigasyon ng mga ahensya ng gobyerno kabilang na ang Board of Inquiry ng Philippine National Police.
Dahil dito, sinabi ni Iqbal na kailangang tapusin na ang usapin upang makapagpatuloy na sa ginagawang peace process at ituon na lamang ang pansin sa pagpasa sa Bangsamoro Basic Law o BBL.
By: Jaymark Dagala